Nakatakdang kanselahin ng Office of the Solicitor General (OSG) ang lahat ng fraudulent birth certificates at i-forfeit ang real properties at iba pang assets na iligal na nakuha sa ating bansa ng mga alien o dayuhang empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, ang kanilang ginagawang mga hakbang laban sa POGOs ay hindi natatapos sa pag-alis sa bansa ng mga dayuhang manggagawa.
Bagamat sa ngayon wala pang eksaktong bilang sa pinagsama-samang halaga ng assets ng POGOs na nakatakdang i-forfeit, sinabi ni SG Guevarra na kanila itong ilalabas sa oras na maging available na ito.
Ito aniya ang unang utos sa kanila na bawiin at i-kontrol ang mga ito.
Ang hakbang na ito ng OSG ay kasunod ng rebelasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Hulyo ng nakalipas na taon na natuklasan nito ang halos 200 palsipikadong birth certificates na inisyu sa mga Chinese national sa pagitan ng 2018 hanggang 2019 mula sa civil registry sa bayan ng Santa Cruz sa Davao del Sur.
Tatlong buwan naman ang nakakalipas noong Oktubre 20, 2024, itinurn-over naman ng House Quad committee sa OSG ang mga dokumento na naglalaman ng land acquisitions at mga property na umano’y pag-aari, nabili at nakuha ng mga Chinese national na paglabag sa Konstitusyon ng Pilipinas.