Nakatakdang maghain sa lalong madaling panahon ang Office of the Solicitor General (OSG) ng quo warranto case laban kay suspended Bamban Mayor Alice Guo.
Ito ay matapos na kumpirmahin ng National Bureau of Investigation (NBI) na tumutugma ang fingerprint ng suspendidong alkalde sa Chinese national na si Guo Hua Ping.
Sa isang pahayag, sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na maituturing na breakthrough ang findings ng NBI na pinakaaantay ng OSG na nagbigay linaw sa maraming katanungan kaugnay sa tunay na pagkakakilanlan ni Guo kabilang na ang kaniyang nasyonalidad. Tiyak din aniyang mapapabilis nito ang kanilang magiging legal na aksiyon.
Ihahain ng OSG ang kaso sa lalong madaling panahon habang kasalukuyang nirerepaso pa ang kanilang existing drafts kasunod ng findings ng NBI.
Matatandaan na una ng kinumpirma ni Sen. Risa Hontiveros ang naturang findings ng NBI at sinabing kinukumpirma nito ang suspetsa na isang pekeng Pilipino si suspended Mayor Guo na nagbabalatkayo bilang Pilipino para makapag-facilitate ng mga krimen.
Kasundo nito, umapela ang Senadora sa OSG na paspasan ang paghahain ng quo warranto case laban kay Guo,.
Ang quo warranto nga ay isang legal na pamamaraan para hamunin o tutulan ang karapatan o kapangyarihan ng isang tao sa hawak niyang posisyon.