Naghain na ng komento ang Office of the Solicitor General kaugnay sa petisyong kumukwestyon sa legalidad ng Executive Order 62 na nagmamandato sa pagtapyas ng taripa sa bigas at iba pang agricultural products.
Sa 62 pahinang komento na inihain noong Hulyo 29 na inilabas nito lamang linggo, sinabi ng OSG na hindi nilabag ng pamahalaan ang due process dahil sinunod nito ang lahat ng kailangang notice at hearing requirements.
Wala din aniya basehan para mag-isyu ng writ of certiorari and prohibition para ipawalang-bisa ang naturang EO dahil hindi nakagawa ng anumang grave abuse of discretion o hindi lumabag sa konstitusyon.
Binanggit din ng OSG ang dating kaso na may katulad na isyu na ikinatuwirang walang constitutional prohibition sa pagpasok ng foreign goods.
Bagama’t totoo aniya na hinihikayat ng Konstitusyon ang pagpapaunlad ng mga lokal na industriya at pagtangkik sa mga produktong Pilipino, ang mga prinsipyong ito ay maaari umanong magkakasamang pairalin nang may pagluwag sa restriksiyon sa kalakalang panlabas, upang makinabang ang mga mamimiling Pilipino.
Ipinaglaban din ng OSG na ang pagtukoy sa lawak ng mga paghihigpit sa pagpasok ng mga produkto ay tungkulin ng ehekutibo at lehislatibo na sangay ng gobyerno at hindi ng hudikatura.
Matatandaan na noong Hulyo 4, inihain ng grupo ng mga magsasaka na Samahang Industriya ng Agrikultura, Federation of Free Farmers, United Broiler Raisers Association, Sorosoro Ibaba Development Cooperative, at kinatawan mula sa
Magsasaka Partylist para ideklarang labag sa batas ang EO 62.
Ang naturang EO ay nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong June 20, na nagpapahintulot sa pagtapyas ng taripa sa mga produkto kabilang ang imported rice mula sa 35% sa 15%.