Target ng Office of the Solicitor General na maghain ng quo warranto petition laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo bago matapos ang buwan ng Hulyo.
Paliwanag ni Solicitor General Menardo Guevarra nasa proseso na sila ngayon ng pag-incorporate at consolidate ng mga bagong ebidensiya na nadiskubre mula sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa umano’y ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Bamban.
Una ng sinabi ng OSG na maghahain ito ng quo warranto case laban kay Guo sa lalong madaling panahon matapos kumpirmahin ng National Bureau of Investigation na tumugma ang fingerprints ng suspendidong alkalde sa Chinese passport holder na si Guo Hua Ping na nagpapakitang sila’y iisang tao lang.
Naghain na rin ang OSG ng petisyon para kanselahin ang birth certificate ni Guo dahil sa kabiguan niyang makapagpasa ng legal requirements para sa late registration.
Samantala, sinabi naman ni Comelec chairperson George Erwin Garcia na makakatulong sa OSG ang magiging findings ng poll body sa nakatakda nilang pagbisita sa Bamban sa araw ng Huwebes para makuha ang mga dokumento para sa kaso ni Guo kabilang ang election day computerized voters list na naglalaman ng mga detalye ng mga botante na bumoto at kanilang fingerprints.
Ginawa ng 2 opisyal ang pahayag sa isang press conference ng paglagda ng memorandum of agreement sa pagitan nila ng Commission on Elections, National Amnesty Commission, at Presidential Task Force on Media Security sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila ngayong Martes.