LEGAZPI CITY – Pinag-aaralan na ng Masbate Provincial Health Office ang posibleng pananagutan ng pribadong ospital na sinasabing unang pinagdalhan ng Grade 1 pupil na may hinihinalang sakit na meningococcemia.
Ito matapos madiskubre ang umanoy sakit ng bata matapos dalhin at i-examin sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Albay.
Paliwanag ni Acting Provincial Health Office head Dr. Oscar Acuesta sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na dapat na mabilis na ipinapaabot ang ganitong mga uri ng sakit sa nakakasakop na municipal at provincial health offices.
Malinaw aniya na nakalagay sa memorandum circular sa physical reporting kung saan nasa notifiable diseases ang klasipikasyon nito.
Ang nangyari umano ayon kay Acuesta, ang region na sa pamamagitan ng BRTTH ang nakipag-ugnayan sa provincial health office.
Inatasan naman ng PHO ang municipal level para sa contact tracing at pagbibigay ng antibiotics.