-- Advertisements --

ROXAS CITY – Ginawa umano ng mga nurse at doktor ang lahat ng kanilang makakaya upang mabigyan ng kaukulang medikal na atensyon ang dalawang sanggol sa triplet ng inang nanganak sa Bailan District Hospital.

Ito ang inihayag ng Chief of Hospital na si Dr. Ma. Cellini Bauson nang makapanayam ng Bombo Radyo Roxas.

Ayon kay Bauson, Abril 28 ngayong taon nang huling nagpakonsulta si Edilyn Giluane, 19-anyos, at pinayuhan siyang magpa-ultrasound.

Ngunit sa follow-up check up nito ay walang siyang naipresentang resulta kaya hindi nalaman agad na triplet pala ang nasa tiyan nito.

Nang suriin ng doktor, nalaman na kailangang isailalim sa Caesarian operation si Giluane.

Naging matagumpay naman ang operasyon pero pre-mature ang mga anak ni Giluane kaya agad itong ini-refer sa Roxas Memorial Provincial Hospital (RMPH).

Level 1 hospital lamang daw kasi ang Bailan District Hospital dahil wala silang kaukulang mga pasilidad para sa pre-mature babies.

Ipinaabot din sa pamilya ng pasyente na isang sanggol lamang ang kayang i-accomodate ng RMPH kaya mismong ang pamilya rin ang nagdesisyon na panatilihin na lamang sa naturang ospital ang dalawang sanggol.

Dahil dito, wala na raw nagawa ang pamunuan ng ospital kundi gawin ang lahat ng opsyon para lamang maisalba ang dalawang sanggol.

Ayon pa kay Bauson, mismong si Mr. Reyland Bataican, ama ng mga sanggol, ang pumirma sa sulat kung saan nakasaad ang “Do Not Resuscitate” bago pa man binawian ng buhay ang dalawang sanggol.