ILOILO CITY – Labis na ikinadismaya ng isang pamilya sa Iloilo ang minadaling pagpapalibing sa kanilang kaanak na pinagsuspetsahang positibo sa COVID-19 ngunit nakumpirmang nagnegatibo sa virus.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Brgy. Kagawad Joyrena Betsaida ng Lawis, Balasan, Iloilo, sinabi nito na noong Agosto 26, ipinagbawal ang mga ito na lumabas sa kanilang bahay matapos pinagdudahan na may COVID-19 ang kanyang may sakit na asawa.
Kaagad din silang pinuntahan ng mga Barangay Health Worker para sa monitoring kung saan dinala na ang kanyang asawa sa district hospital sa Balasan dahil sa pag-ubo at pagsuka ng dugo kung kaya’t ini-refer na lang sa lungsod ng Iloilo
Ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay ang pasyente habang papunta sa lungsod at napagdesyunan na ibalik sa nasabing district hospital upang kunan ng swab sample para sa COVID-19 test.
Kasunod nito ay inirekomenda ng kanilang Rural Health Physician na kaagad na ilibing ang kanyang asawa bilang pagsunod sa protocol.
Labis naman ang kanilang hinanakit nang nakumpirmang COVID-19 negative ang kanyang asawa at samut-saring diskriminasyon ang naranasan ng kanyang pamilya.