KORONADAL CITY – Tutol ang pamilya ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nasa “brain dead” condition sa ngayon sa isang ospital sa Kuwait na ibenta ang internal organs nito.
Kinilala ang OFW na si Emily Puntalba Tugade De Leon, 41-anyos na residente ng Barangay Banawag, President Quirino, Sultan Kudarat at 12 taon nang nagtatratabo sa bansang Kuwait.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Gng. Mary Grace Tugade, kapatid ng OFW, noong Marso 12 umano dinala sa Ministry of Health Mubarak Al-Qadir Hospital si Emily dahil sa nakitang blood clot sa utak nito.
Agad umanong isinailalim sa operasyon si Emily ngunit pagkalipas ng 3 araw ay ipinaalam sa kanila na hindi ito naka-survive at nasa “brain dead condition” na kung saan mga apparatus na lamang ang bumubuhay sa kanya.
Kaya’t inirekomenda umano ng doctor nito na ibenta ang mga internal organs ni Emily bago iuwi sa bansa.
Ngunit, tumutol ang pamilya at sa ngayon ay humihingi ng tulong na mapabilis sana ang pagproseso sa pagpapauwi sa katawan nito.
Napag-alaman na hindi naman nagpabaya ang employer nito at nakahandang akuin ang gastos sa ospital at sa pagpapauwi nito sa bansa.