Aprubado na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang One Town, One Product (OTOP) Philippines Act, na magpapatibay sa isang OTOP program na magbibigay sa Micro, Small, and Medium-sized Enterprises (MSMEs) ng komprehensibong pagsuporta at hihikayat ng pansin para sa mga tinatawag na “untapped potential” ng mga lokal na produkto ng bawat bayan sa bansa.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, ang MSMEs, na tinaguriang ‘backbone of Philippine economy’, ay may mahalagang papel sa pagpapausbong ng ekonomiya at paglikha ng mga trabaho.
Kasunod ng pag-apruba sa OTOP Act, malapit na aniyang maisakatuparan ang layunin na palakasin pa ang mga MSME tungo sa pag-unlad ng mga kanayunan.
Batay sa mga pagtatantya gamit ang datos ng Philippine Statistics Authority 2006 gross value added (GVA) para sa MSMEs bilang baseline, ang sektor ay nakapag-ambag na ng gross value addedd na P2.3 trilyong piso noong 2021.
Sa parehong taon, nagbigay din ang sektor ng 5.5 milyong trabaho o humigit-kumulang two-thirds ng kabuuang workforce ng bansa.
Ang panukalang batas ay magtatatag ng OTOP Philippines Trustmark bilang isang garantiya ng pagiging mahusay ng mga produkto at serbisyong sariling ng bansa.
Aatasan din nito ang ilang ahensya na magtayo at maglaan ng mga espasyo para sa pagtatatag ng OTOP Philippines Hubs gayundin ang paglikha ng OTOP Program Office sa bawat LGU.