DAVAO CITY – Nakahanda ang Davao city Police office (DCPO) na magsagawa ng malawakang imbestigasyon patungkol sa tangkang pagpuslit ng isang dayuhan sa isang sanggol palabas ng bansa.
Sa interview ng Bombo Radyo Davao, tiniyak ni DCPO director police Col. Alexander Tagum na makikipagtulungan sila sa iba pang mga concerned agencies upang mapanagot kung sinuman ang mga posibleng nasasangkot sa naturang kaso pero sa ngayon ay hindi pa umano sila nakatanggap ng report.
Samantala, wala pa ring pahayag ang CAAP Davao kung paano nakalusot ng F Banggoy International Airport ang dayuhan na hindi namalayan ng airport security na may dala itong sanggol sa loob ng kanyang bagahe.
Matatandaan na hinarang ng mga airport authorities sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport si Jennifer Erin Talbot, 42, na taga-Ohio, USA matapos mahagip ng airport security camera ang hand carried luggage nito na may lamang sanggol.
Wala umanong maipakita si Talbot na kahit anong papeles patungkol sa bata kaya ito ay inaresto.
Pero nalaman ng mga otoridad na nanggaling ito sa lungsod ng Davao.
Sa ngayon inaalam na ng NBI ang totoong mga magulang ng sanggol, habang nasa kustodiya na ng NBI ang dayuhan para sa posibleng pagsasampa ng kasong child trafficking.