Tahasang binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kandidato ng oposisyon na tinaguriang “Otso Diretso,” imbes na ilahad ang kuwalipikasyon at plataporma ng mga kandidato ng administrasyon.
Sa kanyang talumpati kagabi sa campaign rally ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan sa Zamboanga City, sinabi ni Pangulong Duterte na ang “Otso Diretso” ay diretso sa impiyerno.
Sinabi ni Pangulong Duterte, makakapal ang mukha ng mga taga-Otso Diretso na walang ginawa kundi batikusin ang administrasyon.
Ayon kay Pangulong Duterte, halimbawa na lamang ang kanyang nakatatunggali noong 2016 presidential elections na si Mar Roxas na ngayon ay kumakandidatong muli sa pagka-senador.
Inihayag ni Pangulong Duterte na “hambugero,” mayabang at puro porma lamang si Roxas.
Iginiit pa ng pangulo na hanggang yaya na lamang si Roxas dahil naipakita na niya ang kanyang “best” noong panahon ng kampanya.
Wala naman aniyang ginawa si Roxas kundi ang humawak ng iba’t ibang Cabinet position sa iba’t ibang administrasyon.
Binatikos din ni Pangulong Duterte si dating Rep. Erin Tañada na proud pang maging miyembro umano ng makakaliwang grupo.
Hindi rin nakalusot si Atty. Romy Macalintal na abogado lamang kapag may pera ang isang kliyente, habang si re-electionist Sen. Bam Aquino na puro saway at batikos lamang aniya ang nagawa.
Binalaan naman ng pangulo ang mga botanteng huwag magkakamaling iboto sa pagka-senador si Magdalo partylist Rep. Gary Alejano na panay “English” lamang dahil sa pagiging “PMAer” pero tiyak na lelechonin din.
Panay daw pagrerebelde ang ginawa ng Magdalo sa Makati City noon pero pagdating ng mga pulis ay surrender naman agad.
Binanatan din ni Pangulong Duterte si Atty. Chel Diokno na nagpapakilang human rights lawyer pero malayo naman sa katauhan ng kanyang ama.
Kinuwetsyun din ng pangulo ang kuwalipikasyon ni Atty. Florin Hilbay na hindi naman kayang talunin ang kanyang pambatong si Francis Tolentino.
Pero ligtas naman sa pambabatikos ni Pangulong Duterte si Samira Gutoc na pambato rin ng “Otso Diretso.”
Iginiit ni Pangulong Duterte na babae si Gutoc kung kaya isasarado na lamang niya ang kanyang bibig.