Kinumpirma ng Malacañang na may hawak si Pangulong Rodrigo Duterte ng matrix ng umano’y Oust Duterte plot na kinasasangkutan ng mga personalidad sa hanay ng media.
Sa briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi niya alam kung saan nakuha ng Manila Times ang kopya ng Oust Duterte matrix na eksaktong kaparehas ng hawak ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Sec. Panelo, mula sa intelligence information ng ibang bansang hindi pa tinukoy ang batayan ng matrix na ipinalabas ni Pangulong Duterte.
Inihayag naman ni Sec. Panelo na hindi na sila nasorpresa sa mga personalidad na nasa likod ng umano’y Oust Duterte matrix dahil ito rin ang mga grupong patuloy na naninira daw kay Pangulong Duterte.
Sa ngayon, wala naman daw gagawin ang Malacañang laban sa mga nasa matrix hangga’t walang ginagawang iligal na hakbang o actual execution ng Oust Duterte plot.
“The source of that is from the Office of the President, from the President himself. I don’t know how he got one. But it’s coming from the President. I talked to him the other day. You must remember that the President has so many sources, so he got this matrix from one of his sources. And I am not even surprised that there is such a plot. If you notice this has been going on, the pattern is clear – false news and then transferred to another and it circulates. So, I am not surprised at all,” ani Sec. Panelo.