Isiniwalat ni Senator Nancy Binay ngayong araw na nagulat siya ng malaman niya ang rason sa likod ng kudeta sa dating liderato ng Senado kamakailan dahil sa umano’y injured na paa?
Ito ang naging reaksiyon ni Senator Nancy sa naging rebelasyon ni Senator Ronald Dela Rosa na ang dahilan umano sa likod ng pagpapatalsik kay dating Senate President Migz Zubiri ay ang pagtanggi nito na dumalo na lamang virtually sa plenary sessions si Senator Ramon Revilla dahil sa natamong Achilles tendon injury
“Medyo weird lang kasing isipin na sa dinami-rami ng conspiracy theories na nagsilabasan sa likod ng Senate coup, isang paa lang pala ang dahilan kung bakit nasipa at natanggal sa pwesto si Sen. Migz. So, ganoon na nga, the best or worse interest of the nation is just a foot away,” pagbabahagi ng Senadora.
Dagdag pa ng Senadora na ito ang unang pagkakataon sa pulitika ng Pilipinas na ang isang paa kahit nasugatan ay nagpakita umano ng higit na kicking power kaysa sa mga makapangyarihang awtoridad.
“Kung ‘yung paa ang dahilan ng pagkatanggal sa pwesto ni Sen. Migz, masasabi natin that they have really put their best foot forward. If a sore foot can inspire such decisive action, just imagine what a fully functioning pair of feet could do. But for now, the foot has spoken. Sama-sama para sa paa ni Sen. Bong Revilla”.
Sinabi din ni Sen. Binay na ang “SOLID 7” bloc o mga Senador na sumuporta sa pamumuno ng napatalsik na si Senate president Zubiri na patuloy silang magsisilbing vigilant overseers, at active fiscalizers sa 19th Congress.
Samantala sa isang panayam, sinabi ni Senator Bato na muling na-trigger ng naturang hakbang ang nauna ng ouster move ni Senator Jinggoy Estrada.
Aniya, ang ouster plot ay muling binuhay ng ilang Senador na nasa show business.
Sinadi din ni Sen. Bato na isinulong nina Sen. Francis Tolentino at kasalukuyang Senate President Francis Escudero na payagan si Revilla na dumalo na lamang sa mga sesyon online subalit tinanggihan ito ni Zubiri.
Nang kunan naman ng komento si Senator Revilla, sinabi nito na mag-move forward na lang at maaaring isa ito sa naging trigger pero bago pa man ang insidente marami na aniyang problema.
Kung maaalala, noong araw ng Lunes nagbitiw si Zubiri bilang Senate President at pinalitan siya ni Senator Francis Escudero na nakakuha ng suporta mula sa 15 Senador para sa rigodon o pagbabago ng liderato.