-- Advertisements --

LAOAG CITY – Arestado ang isang out-of-school-youth sa isinagawang anti illegal drug buy bust operation sa Brgy. 16 San Marcos, San Nicolas, Ilocos Norte.

Nakilala ang subject ng operasyon na si Bryan Sacramento y Palting, 18-anyos, dating studyante sa Sat. Rosa Academy at residente rin sa nasabing barangay.

Base sa PNP, ang suspek ay Rank No. 10 sa Revitalized Top 10 Illegal Drug Personalities ng Ilocos Norte Police Provincial Office.

Agad hinuli ng mga otoridad ang suspek matapos bentahan ng isang sachet na naglalaman umano ng shabu na nagkakahalaga ng P1,000 sa isang pulis na nagsilbing poseur-buyer.

Nakakumpiska pa ang mga otoridad sa posisyon ng suspek ng dalawang medium-size transparent heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong marijuana, P1,000 bill marked money, cellphone, at iba pa.

Iginiit naman ng lola ng suspek na si Mrs. Amalia Sacramento, nakita niya mismo na ipinabulsa lamang ng isa sa mga humuli sa kanyang apo ang mga nakuhang ebidensya sa suspek.

Dagdag niya na sinaktan pa nila ang kanyang apo kaya masama ang loob nito subalit pinabulaanan ito ng mga otoridad.