Tiniyak ni Department of Agriculture (DA) Sec. William Dar na kontrolado at “contained” nila ang outbreak ng African Swine Fever (ASF) na tumama sa maraming mga baboy sa Rizal at Bulacan.
Kasunod ito ng deklarasyon ng Bureau of Animal Industry (BAI) na nasa outbreak level na raw ang ASF sa pitong mga lugar sa nasabing mga lalawigan.
Nilinaw din ni Dar na hindi buong bansa ang sakop sa outbreak level kundi ang nabanggit na dalawang probinsya lamang.
“The African swine fever episodes in several areas in Bulacan and Rizal may be considered an outbreak but not an epidemic,” wika ni Dar.
Umapela rin ang kalihim sa publiko at sa media na huwag na raw magkalat ng takot dahil sa maaari raw nitong maapektuhan ang P260-bilyong industriya ng pagbababoy sa pilipinas.
“Around two-thirds or 65 percent of the industry is contributed by small backyard raisers,” anang kalihim.
Una nang sinabi ni BAI Director Ronnie Domingo sa panayam ng Bombo Radyo na kinailangan na nilang ideklara ang outbreak dahil sa naghihintay aniya ng sagot ang publiko sa nangyayaring pagkamatay ng mga baboy.
Isinailalim sa outbreak level ang mga barangay ng San Jose, Macabud, San Isidro, San Rafael, at Mascap sa Rodriguez, Rizal; Cupang sa Antipolo; at bayan ng Guiguinto sa Bulacan.