TUGUEGARAO CITY – Nagdadalawang-isip na si outgoing Senator JV Ejercito kung muling tatakbo sa 2022 Presidential elections.
Ito’y matapos matalo sa kanilang mga hinahawakang pwesto ang pamilya Estrada-Ejercito sa nakalipas na midterm elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, tinawag ni JV na isang malaking pagkakamali ang desisyon ng kanilang pamilya sa sabay-sabay na pagtakbo sa ibat ibang posisyon.
Sa ngayon, sinabi ni JV na magpapahinga muna siya sa pulitika at magpopokus sa pamilya pagkatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30.
Samantala, nagpasalamat si JV sa mga suportang natanggap at sa mahigit 14 milyon na bumoto sa kanya sa nakalipas na eleksyon.
Si JV at ang kanyang half-brother na si dating Senator Jinggoy Estrada ay parehong laglag sa Top 12 sa senatorial race.
Ang ama nilang si Mayor Erap ay tinalo ng dati nitong bise at kapwa aktor na si Isko Moreno bilang bagong mayor ng lungsod.
Ang anak ni Jinggoy na si Janella Estrada ay natalo ni Francis Zamora bilang bagong mayor ng San Juan.
Ang half-sister nina JV at Jinggoy na si Jerika Ejercito at mga pinsan na sina ER Ejercito at Gary Estrada ay natalo rin sa kani-kanilang election bid.