-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao ang kahalagahan ng outside shooting upang bulagain ang kanilang mga makakaharap sa group phase ng nalalpit na FIBA World Cup.

Ayon kay Guiao, naging “common denominator” ang maganda nilang perimeter shooting sa mga larong napagwagian ng Pinoy cagers sa kanilang training camp sa Spain, at sa dalawa nilang exhibition match kontra sa bumisitang Adelaide 36ers ng Australia.

“When we’re shooting well, we win games. When we’re shooting well, it becomes a little bit easier to win games,” wika ni Guiao.

“That’s exactly true in the tune-up games that we played. Noong Sunday ang sama ng shooting natin, hindi natin tinalo ang Australia. First time, maganda ang shooting natin, tinalo natin sila,” sambit nito sa 36ers.

Kaya sinabi ng beteranong coach, sasandal sila sa perimeter shooting para masabayan ang mga koponan ng Serbia, Italy, at Angola sa Group D ng torneyo.

Bagama’t kapos ang bilang ng kanilang mga natural na shooter, sinabi ni Guiao na kumpiyansa ito sa kakayahan ng national squad.

Si RR Pogoy na lang kasi ang mainam ang shooting sa koponan, dahil sa pagkawala nila Marcio Lassiter at Matthew Wright dahil sa injury.

“Crucial ang outside shooting natin, pero I feel these guys can step up when the time comes,” ani Guiao.