Iginiit ng Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) na ang overfishing ng Chinese vessels sa West Philippine Sea (WPS) ay ang dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga nahuhuling isda sa bansa.
Sa isang statement, sinabi ni PRRM president Edicio dela Torre na ang agresibong pangingisda ng mga Chinese fishing boats ay isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nakakaranas ngayon ng kakulangan sa suplay at pagtaas sa presyo ng isda sa bansa.
Ito rin aniya ay may kaugnayan sa ginagawang pangha-harass ng China sa mga kababayan nating mangingisda.
Dagdag pa ni dela Torre, ang mga galunggong din daw na ine-export ng China ay mula sa mga dagat ng Pilipinas.
Ang PRRM ay isang non-government organization na nakatuon sa food security at self-sufficiency para sa bansa.
Una rito ay magugunita na inaprubahan ng Department of Agriculture ang pag-angkat ng 60,000 MT na mga isda sa Pilipinas mula sa ibang bansa sa unang bahagi ng taong 2022.
Ito ay batay sa projection ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nagsasabing may posibilidad na aabot sa 119,000 MT ang magiging kakulangan sa suplay ng isda sa bansa dahil sa ipinatupad na closed fishing season sa mga sektor na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Odette.