LEGAZPI CITY – Handa umano ang Commission on Elections (COMELEC)-Bicol sa posibilidad na muling maipagpaliban ang halalan sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) matapos na mabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa State of the Nation Address (SONA) nito.
Ayon kay Bicol Regional Elections Supervisor Atty. Maria Juana Valeza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, makabubuti kung mangyayari ito dahil tinitingnang magkakaroon ng overlap sa paghahanda sa dalawang halalan sa 2022.
Giit ni Valeza na limang buwan lamang ang magiging paghahanda sa magkasunod na halalan kung isasagawa ang Presidential elections sa May 2022 at Barangay at SK elections sa October 2022.
Batid din ng opisyal na mahihirapan ang tanggapan dahil milyon-milyong botante ang kabilang subalit bukas din kung matuloy ang dalawang halalan.
Samantala, nakasalalay pa rin aniya ang magiging pasya nito sa pagsasabatas ng Kongreso sa panukala.
Sa ngayon, nakatuon ang atensyon ng mga ito sa pagbubukas ng voter’s registration sa darating na Agosto 1 hanggang Setyembre 30, 2019.