-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY- Overloading at miscalculation ng driver sa daan ang nakikita ng PNP na dahilan ng pagkahulog ng SUV sa irrigation canal na dahilan ng pagkamatay ng 13, kabilang ang pitong bata matapos na sila ay malunod sa irigasyon sa Tabuk City, Kalinga.

Sinabi ni Mayor Darwin Estrañero na ito ang ibinigay sa kanya na report ng PNP batay sa kanilang ginawang imbestigasyon.

Ayon sa kanya, 15 ang lulan ng nasabing SUV na minaneho ni Soy Lope Agtulao ng BJMP Mt. Province at papunta sana ang mga ito sa Bulo Lake para umano mag-picture taking.

Batay sa ulat ng PNP, galing sa Mt. Province ang driver ng sasakyan na si Soy Lope Agtulao, kasapi ng BJMP Mt. Province at kasama ang pamilya nito at binisita ang kanyang kamag-anak sa Tabuk City.

Napagpasyahan ng mag-anak na mamasyal sa Bulo Lake, subalit habang nasa daan patungo sa lugar ay nahulog sa malalim na irrigation ang sasakyan kung saan hindi nakalabas ang mga sakay nito kaya nalunod.

Dinala pa ang mga biktima sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ang 13 nalunod, habang nasa maayos nang kalagayan ang dalawang nakaligtas sa malagim na trahedya ng pamamasyal ng mag-anak.