Nagsimula nang bumoto para sa halalan ngayong taon ang nasa 1.7 million Pilipino sa ibang bansa.
Ito ay dahil ngayong araw, Abril 10, ang pormal na pagsisimula ng overseas absentee voting (OAV) sa iba’t ibang Philippine posts sa mundo.
Tatagal ito hanggang Mayo 10, gamit ang parehong automated at manual voting systems.
Sa Dubai, ilang absentee voters na ang nagsimulang bumoto ngayong araw ng Linggo sa Philippine Consulate General doon.
Ayon sa Philippine Consul General, ang United Arab Emirates ang siyang may pinakamalaking bilang ng mga registered voters na aabot hanggang 200,000.
Nagsisimula ang botohan mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ngayong Linggo, at ala-7:30 ng umaga hanggang alas-3:30 ng hapon naman mula Abril 11 hanggang Mayo 8.
Samantala, ang botohan sa Mayo 9 ay isasagawa mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Nauna nang ipinagpaliban ng Comelec ang pagsisimula ng overseas voting sa Shanghai, China dahil sa surge ng COVID-19 doon.
Ayon kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo, nasa 1,600 Filipino voters ang nasa naturang lungsod.