Posibleng suspindihin ng Commission on Elections (Comelec) ang absentee voting sa ilang mga bansa kung saan nananatili ang nasa 127 na mga kababayan nating registered voters.
Ayon kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo, maaaring mapagdesisyunan ng komisyon na huwag munang magsagawa ng overseas voting sa mga bansang Iraq, Algeria, Chad, Tunisia, Afghanistan, at Ukraine.
ilan kasi sa mga ito ay walang overseas voting capabilities, habang mandatory repatriation naman dahilan sa mga bansang Afghanistan, at Ukraine.
Pansamantala ring sususpindihin ang botohan sa Shanghai, China na mayroong mahigit 1,600 na rehistradong botante dahil sa kasalukuyang lockdown na ipinapatupad ngayon doon nang dahil pa rin sa mataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Samantala, sinabi naman ni Casquejo na nagpasa na ng resolusyon ang Comelec en Banc na magpapahintulot sa mga kababayan nating nasa ibang bansa na bumoto sa mga Philippine post maliban sa kung saan sila kasalukuyang nakarehistro.
Kinakailangan lamang aniya na agad makapagparehistro ang mga ito bago pa man magtapos ang registration period sa ibang bansa o sa mga lugar na nasa ilalim ng huridsiksyon ng iba pang post na nagpapatupad ng personal voting.
Maari rin na maghain ng Manifestation of Intent to Vote in Another Post (MIVAP) ang mga overseas voter upang mapayagan itong makibahagi sa darating na eleksyon.
Magpapatupad din ang komisyon ng two-way postage system para naman sa mga indibidwal na boboto gamit ang postal service.