-- Advertisements --

Magsisimula ng bumoto ang mga overseas Filipino para sa 2025 midterm elections. 

Mamayang alas-7 ng umaga, maaari ng bumoto ang nasa mahigit 31,000 overseas voters sa 10 East Coast states sa ilalim ng hurisdiksyon ng Philippine Consulate General sa New York. 

Ayon kay New York Consul General Senen Mangalile, naka-standby ang mga tauhan ng konsulado upang tulungan ang mga botante na nahihirapan sa bagong teknolohiya.

Mananatili namang bukas simula Lunes hanggang Linggo ang kiosk upang umasiste sa mga botante na makararanas ng aberya habang bumoboto. 

Samantala, mananatili namang bukas ang Abu Dhabi Philippine Embassy precinct, simula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, araw-araw, kahit na Semana Santa upang tulungan ang mga rehistradong Pilipinong botante sa ibang bansa, ayon kay Vice Consul Kevin Mark Gomez, head ng Special Board of Inspectors ng embassy. 

Mahigit 1.2 milyong Pilipino sa ibang bansa ang maaaring bumoto sa pamamagitan ng internet voting.