KALIBO, Aklan—Nakiisa ang mga overseas Filipino’s ng Milan, Italy sa naganap na pagtitipon ng mga pro-Duterte kung saan, naglakbay ang mga ito ng mahigit sa 13 oras bago nakarating sa The Hague, Netherlands, araw ng Linggo, March 23, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bombo International News Correspondent Armie Delos Santos, bago sila pumunta sa Netherlands ay nagsagawa rin sila ng pagtitipon kamakailan lamang na naganap sa Piazza Cairoli sa Milan, Italy.
Aniya, lubos silang nalungkot sa pagka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan, tila naramdaman umano ng mga ito na nawalan sila ng Ama dahil si Duterte lamang aniya ang naglakas-loob na solusyunan ang pagkalat ng illegal na droga at nagpababa ng crime rate sa bansa.
Ilan sa mga aktibidad ng mga ito ay ang pagwagayway ng watawat ng Pilipinas at nagsagawa ng prayer meeting para sa dating lider ng bansa.
Dagdag pa ni Delos Santos na libo-libong mga overseas Filipino’s ang nagtipon-tipon mula sa iba’t ibang bansa upang ipakita ang kanilang suporta at malasakit sa dating Pangulo na kasalukuyang nakapiit sa International Criminal Court detention facility.
Ang pakikiisa ng mga ito sa mga pro-Duterte sa The Hague, Netherlands ay boluntaryong kagustuhan upang ipanawagan ang pagpapauwi kay former President Duterte sa Pilipinas upang dito na lamang harapin ang kasong crimes against humanity na inihabla sa kaniya ng mga umano’y biktima ng extra judicial killings kaugnay sa war on drugs sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Ayon pa kay Delos Santos, baliwala sa kanila ang mahigit sa 13 oras na byahe dahil sila ay Pinoy na nagpakita ng suporta sa kapwa Pinoy na may malaking ambag sa pagsugpo ng paglaganap ng illegal na droga at krimen sa bansa.