Dumipensa ang Office of the Vice President (OVP) na na-validate at pumasa sa audit ng Commission on Audit (COA) ang procurement o pagbili ng ahensiya ng mahigit P600,000 na halaga ng mga kagamitan para sa mabilis na pagpapatayo ng ilang satellite offices nito na nauna ng pinuna ng komisyon dahil sa bigo umano itong sumunod sa procurement process.
Ginawa ng OVP ang naturang paglilinaw matapos i-call out ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Representative France Castro ang OVP kasunod ng ulat ng COA.
Una rito, base sa 2022 annual audit report ng COA, napag-alaman ng state auditors ang pagbili ng OVP ng Property Plant and Equipment (PPE) at Semi-Expendable Equipment na nagkakahalaga ng kabuuang P668,197.20 para sa satellite offices nito subalit bigo umano ang OVP na sumunod sa procurement law.
Ipinaliwanag naman ng OVP na ang mabilis na pagtatatag umano ng kanilang satellite offices nang walang sapat na equipment para mag-operate ay humantong sa desisyon ng OVP na agad na bumili ng naturang mga equipment gamit ang pera ng kanilang mga officer na binayaran din naman kalaunan ng OVP sa pamamagitan ng reimbursement.
Iginiit din ng OVP na wala naman umanong inisyu ang COA na notice of suspension o disallowance kaugnay sa nasabing procurement.