Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na magbibigay ng tulong ang Office of the Vice President (OVP) sa mga Pilipinong inaresto dahil sa pagsasagawa ng hindi awtorisadong political demonstrations sa Qatar noong nakalipas na linggo.
Sa isang panayam sa Bise Presidente sa The Hague Netherlands, inihayag nito na makikipag-ugnayan ang OVP sa ibang mga ahensiya para talakayin ang mga ibibigay na tulong sa mga inarestong Pilipino sa naturang Arab country.
Nauna naman ng tiniyak ng pamahalaan na hindi nila aabandunahin ang mga Pilipinong inaresto doon sa Qatar at nangakong tutulungan ang mga ito.
Kung babalikan, una na ring nilinaw ni Department of Foreign Affairs USec. Eduardo de Vega na 20 Pilipino ang inaresto sa Qatar matapos umanong mag-rally taliwas sa naunang napaulat na 17 Pilipino.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa kustodiya ng mga awtoridad sa Qatar ang 17 Pilipino, kung saan 5 dito ay kababaihan habang 12 naman ay mga kalalakihan. Pinalaya naman na ang 3 bata na kabilang sa ikinulong subalit ang kanilang mga magulang ay naiwan sa piitan, base na rin sa impormasyon mula sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ayon kay USec. De Vega, maaaring nagsagawa ang mga ito ng rally bilang pagtutol sa pag-aresto at pagkulong kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa crimes against humanity charges na kinakaharap niya sa International Criminal Court (ICC).