Lumalabas sa report ng Commission on Audit (COA) noong 2022 na nagkaroon ng 433 security escorts si Vice President Sara Duterte sa kaniyang unang taon sa termino.
Ito ay 455% na pagtaas mula sa bilang ng security personnel na na-hire sa huling taon ng panunungkulan ng pinalitan nito na si dating VP Leni Robredo.
Sa 2022 report ng COA, kasama sa breakdown ng staff ng OVP ay ang 433 non-plantilla o detailed personnel sa ilalim ng Vice-Presidential Security and Protection Group (VPSPG).
Hindi naman na idinetalye pa sa naturang COA report kung ang daan-daang bilang ng security escorts ay hinire ng OVP o kung ano ang kanilang naging tungkulin.
Sa kabuuan, mayroong 509 personnel sa ilalim ng OVP noong 2022.
Una ng inaprubahan ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines ang kahilingan ni VP Sara nang maupo ito noong 2022 na i-activate ang security unit na hiwalay pa mula sa Presidential Security Group. Paliwanag ni VP Sara na ang Vice-Presidential Security and Protection Group ay magbibigay ng seguridad at proteksiyon para sa lahat ng ikalawang pangulo ng bansa.