Nagpapasalamat ang Office of the Vice President (OVP) sa lahat ng tumulong, sumuporta, at nagpakita ng pakikiisa noong kamakailang krisis.
Kinilala nila ang mga doktor at healthcare personnel sa pagtiyak ng kalusugan ng mga kawani ng OVP na nangangailangan ng tulong medical, at ang mga abogado na nagbantay para sa legal na tulong.
“Maraming salamat sa mga doktor at lahat ng healthcare personnel na walang pahinga sa pagsiguro na maayos ang kalagayan ng mga kawani ng Office of the Vice President (OVP) na nangailangan ng tulong medikal. Salamat din sa mga abogado na 24 oras na nagbantay sa posibleng mangyari sa mga empleyado na nangailangan ng tulong-legal,” saad ng kanilang mensahe.
Kinilala rin nila sina Sens. Ronald “Bato” Dela Rosa, Bong Go, at Imee Marcos sa kanilang pag-alalay.
Salamat din sa media sa patuloy na pagbabalita tungkol sa kalagayan ng bansa at sa paglaban sa kawalan ng hustisya at karahasan.
“Maraming salamat din sa media sa tuloy-tuloy na pagsisiwalat sa kalagayan ng bansa — sa pagbabantay laban sa kawalan ng hustisya, pandarahas at pag-uulat sa sinapit ng mga tauhan ng OVP at sa walang takot na malayang pamamahayag,” dagdag pa ng kanilang pahayag.