Nagpasalamat si Vice President Leni Robredo sa mga kawani ng kanyang tanggapan matapos muling gawaran ng highest audit rating ng Commission on Audit (COA) ang kanilang report para sa Fiscal Year 2019.
Ito ang ikalawang beses na nakatanggap ng “unqualified opinion” rating ang Office of the Vice President. Ibig sabihin, maayos na naipresenta ng tanggapan ang mga nagastos nito sa nakalipas na taon.
“Ang gusto nating pasalamatan dito iyong ating mga staff—lalo na iyong admin—na sila talaga nag-aasikaso ng ating mga proseso. Salamat sa lahat na OVP family kasi pinagtulungan natin ito lahat,” ani Robredo.
Hinimok ng pangalawang pangulo ang iba pang tanggapan sa gobyerno na gawing target ang “unqualified opinion” rating mula sa COA dahil katumbas daw nito ang tapat na serbisyo publiko.
“Dapat iyong lahat na government offices, ina-aspire ito para pinagtatrabahuan. Kasi kapag ina-aspire mo na magkaroon ka ng unqualified opinion, sinisiguro mo na iyong lahat na proseso mo malinis, hindi ka nalulusutan, maayos lahat iyong papeles, maayos lahat iyong proseso,” ani VP Leni.
Bukod sa OVP, nakatanggap din ng parehong rating ang Energy Regulatory Commission, na nasa ilalim ng Department of Energy; at Insurance Commission, na sangay ng Department of Finance.
Batay sa COA report, nagawang sundin ng OVP ang 26 mula sa 29 na rekomendasyon nila sa 2018 audit report. Kung may hindi man daw natupad ang tanggapan ni VP Leni, ito ay ang payo para sa disposal ng mga unservicable equipment, magpatupad ng gender and development activities, at mga proyektong may kinalaman sa gender analysis.
Pinuna naman ng state auditors ang halos hindi nagamit na pondo ng OVP para sa kanilang medical assistance program. Nasa P122-million lang daw kasi ng nasabing pondo ang nagamit ng tanggapan, kaya may natira pang higit P195-million.
Pero paliwanag ng OVP, ipinagbabawal kasi sa panahon ng eleksyon ang pagbibigay ng assistance kaya hindi nila na-maximize ang pamamahagi ng pondo.
Nangako rin ang tanggapan na tutugon sa rekomendasyon ng COA na mag-attach ng kaukulang dokumento at bantayan ang submission ng mga resibo.
Ito’y dahil naman sa P13-million gastos para sa Training and Representation ng OVP na hindi raw suportado ng mga resibo at sales invoice.
Sa kabila ito, sinabi ng state auditors na napanatili ng OVP ang higit 80% na utilization nito sa kanilang budget sa loob ng tatlong taon.
“In CY 2019, the agency accomplished its good governance program with actual accomplishments exceeding its targets.”