Naglunsad ang Office of the Vice President (OVP) ng libreng sakay, kung saan gumamit sila ng mga bus para sa mga pasaherong apektado ng dalawang araw na transport strike.
Inanunsyo ng OVP na magpapadala ito ng mga Libreng Sakay na bus sa walong iba’t-ibang ruta sa Luzon, Visayas, at Mindanao sa panahon ng dalawang araw na welga na inorganisa ng mga grupong transportasyon na Manibela at Piston, simula Lunes, Setyembre 23.
Sa kasalukuyan, may apat na OVP Libreng Sakay na bus na nag-ooperate sa National Capital Region (NCR), at tig-isa sa probinsya ng Cavite at sa mga lungsod ng Cebu, Bacolod, at Davao.
Sa Metro Manila, dalawa sa apat na Libreng Sakay na bus ay kasalukuyang bumabyahe sa ruta ng EDSA Carousel o mula Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) hanggang Monumento.
Samantala, ang dalawa pang bus ay bumabagtas sa ruta ng Quiapo-Commonwealth Avenue.
Sa Cavite, ang OVP Libreng Sakay na Bus ay kasalukuyang bumabagtas mula PITX hub papunta sa munisipalidad ng Naic.
Ang lahat ng OVP Libreng Sakay Bus ay fully airconditioned at may mga kagamitan tulad ng portable toilets, charging ports, at libreng Wi-Fi connections.