Aabot na sa mahigit 8,000 food packs ang naihatid ng Office of the Vice President sa mga naapektuhang pamilya sa Bicol region ng bagyong Kristine.
Karamihan sa mga lugar sa rehiyon ay labis na naapektuhan ng bagyo at nalubog sa tubig baha.
Sa isang pahayag, sinabi ng OVP na nagpaabot sila ng 4,000 food packs na kinabibilangan ng limang kilong bigas at anim na delata para sa mga biktima sa Naga City.
Namahagi rin ito ng grocery food bags sa bayan ng Libmanan at Pamplona sa lalawigan ng Camarines Sur.
Aabot sa 1,000 grocery bags ang ipinaabot ng OVP sa bayan ng Pamplona na binubuo ng limang kilong bigas, 6 na delata, 2 biscuits, 2 cup noodles, 3 bottled waters, 2 twin-pack instant coffee, 2 pairs ng slippers.
Nagdagdag pa ito ng 800 food bags na may limang kilong bigas at anim na assorted canned goods.
Sa Libmanan naman, aabot sa 1,000 grocery bags ang ibinigay ng opisina at karagdagang 100 food bags na pinakinabangan ng 1,100 families.