Nagbigay ang Office of the Vice President (OVP) ng relief boxes sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa matinding pagbaha dahil sa bagyong Enteng sa lalawigan ng Rizal.
Sa pamamagitan ng Disaster Operations Center (DOC) ng OVP, halos 600 pamilya ang nabigyan ng tulong sa sabay-sabay na relief operations ng ahensya sa mga evacuation centers na matatagpuan sa Antipolo City at Taytay.
Sa Antipolo City, nasa 451 relief boxes na ang ibinigay sa mga apektadong pamilya na naninirahan sa walong evacuation center sa Barangay San Jose.
Ang bawat relief box ay naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng mga hygiene kit, kumot, banig, kulambo, tsinelas, container ng tubig, at iba pang kailangan.
Bukod sa relief boxes, mahigit 1,800 na delata rin ang naibigay sa mga apektadong residente sa Antipolo.
Samantala, humigit-kumulang 141 pamilya ang nakatanggap ng mga relief box mula sa OVP-Disaster Operations Center, kung saan karamihan ay pansamantalang naninirahan sa Exodus Elementary School at Bagong Pag-Asa Day Care Center.
Pinamunuan ng OVP-Disaster Operations Center ang lahat ng aktibidad sa pagtugon sa sakuna ng ahensya at malapit na nakikipag-ugnayan sa mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC).
Nauna rito, idineploy ng team ang kanilang ‘Kalusugan Food Truck’ sa nasabing lalawigan upang tulungan ang mga health worker at disaster responders na nagbibigay ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng malawakang pagbaha na dala ng pananalasa ng bagyong Enteng.
Ang OVP Kalusugan Food Truck ay ipinadala sa munisipyo ng Morong, kung saan nagbigay ito ng mainit na pagkain at inuming tubig sa mga unang rumesponde na nakatalaga sa binahang Rizal Provincial Hospital at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng nasabing lugar.