Nagdagdag pa ng bagong ruta ang libreng shuttle provision na sinimulan ng opisina ni Vice President Sara Duterte kahapon kasama ang isa sa mga bus nito na bumibiyahe sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) patungong Naic sa lalawigan ng Cavite.
Idinaos ng Office of the Vice President (OVP) ang paglulunsad ng rutang PITX-Naic sa ilalim ng programang “Libreng Sakay” nitong Miyerkules ng umaga sa Parañaque bus terminal.
Isang simpleng basbas ang ginawa bago ang pag-alis ng bus.
Ayon sa OVP, sinimulan nito ang bagong ruta ng libreng shuttle service bilang tugon na rin sa planong tatlong araw na nationwide strike ng iba’t ibang transport groups laban sa transport modernization program.
Ang Libreng Sakay program sa Metro Manila, Cebu City, Lapu-Lapu, Mandaue, Bacolod, at Davao City ay naglalayong makatulong na maibsan ang mobility concerns ng libu-libong Filipino commuter na naninirahan sa mga pangunahing lungsod ng bansa.
Mula noong 2022, pitong bus—isa sa Bacolod, Cebu, at Davao, at apat sa Metro Manila—ang nag-aalok ng mga serbisyo.
Ayon sa OVP, nakapagsilbi na ang programa sa kabuuang 1,366,193 pasahero noong Hulyo 31. Nilagyan ang mga bus ng libreng WiFi, close-circuit television (CCTV) camera, smart TV, at aircon.
Sa Metro Manila, ang mga ruta ng bus ng Quiapo papuntang Commonwealth at EDSA Carousel: PITX hanggang Monumento, at vice versa, ay tumatakbo tuwing Lunes hanggang Sabado mula 5am hanggang 9am at mula 5 p.m. hanggang 9 p.m.