Posibleng i-defer o ipagpaliban ang budget deliberations sa plenary ng Office of the President (OVP) ngayong araw dahil sa hindi pagsipot ni Vice President Sara Duterte sa Kamara.
Kaninang alas-10:00 ng umaga nakatakda sana ang budget deliberations ng OVP sa plenaryo.
Ayon kay Minority Leader at 4Ps Partylist Representative Marcelino Libanan, hanggang sa mga oras na ito hinihintay nila ang pagdating ng pangalawang pangulo.
Sinabi ni Libanan, mahalaga ang presensiya ni VP sa plenary budget deliberations dahil mahalagang aspeto ito ng ating batas.
Binigyang-diin ni Libanan na dapat bigyang prayoridad ng pangalawang pangulo ang budget deliberations.
Inihayag ng minority leader na kapag hindi talaga sumipot si VP Sara posibleng ipagpaliban ito hanggang sa Miyerkules sa September 25,2024 na siyang huling araw ng plenary budget debates.
At kapag hindi pa rin ito sumipot sa Miyerkules sa huling araw ng budget deliberations, mag dedesisyon na dito ang majority.
Sa komite report ng Appropriations panel tinapyasan ang pondo ng OVP ng nasa P1.3 billion habang ang itinira sa pondo nito ay nasa mahigit P733 million.
Sa sulat ni VP Sara kay Lanao del Sur Rep Zia Alonto Adiong na siyang sponsor sa budget ng OVP sa plenary na kaniya ng ipinauubaya kay Speaker Martin Romualdez at Rep. Zaldy Co ang budget ng kaniyang opisina.
Sa kabilang dako, hiningan ng pahayag si Libanan kaugnay sa kumakalat na larawan ni VP Sara na nasa isang beach resort sa Calaguas, Camarines Norte.
Ayon kay Libanan wala naman masama na magpunta sa beach pero dapat isipin at bigyang pagpapahalaga ang pagdalo sa budget deliberations.