Pinagsabihan ng kampo ni Vice Pres. Leni Robredo ang mga adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsu-sulsol umano ng maling impormasyon hinggil sa ginagawang trabaho ng bise presidente bilang drug czar.
Iginiit ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez na walang prosecutor mula sa isang Human Rights Commission ang nakapulong ng pangalawang pangulo kasunod ng pag-upo nito sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
“Binibigyan ng maling impormasyon ng kanyang mga adviser si Pangulong Duterte. Ipinasa nila sa Pangulo ang pekeng kuwento na inimbita daw ni VP Leni ang “prosecutor” ng “Human Rights Commission” sa Pilipinas. Si VP Leni ay nakatutok sa trabahong ipinasa sa kanya ng Pangulo—ang pag-ayos at pagpapalakas sa kampanya laban sa iligal na droga,” ani Gutierrez.
“Wala siyang ipinaabot na ganyang imbitasyon. Dapat tiyakin ng staff ng Pangulo na tama ang impormasyon na umaabot sa kaniya. Kung fake news ang naiaabot sa Pangulo, makakasira lang iyan sa ating laban sa iligal na droga.”
Iginiit ng kampo ni Vice Pres. Leni Robredo na hindi totoong nakipag-pulong ito sa prosecutor ng isang "Human Rights Commission" kasunod ng akusasyon ng Pangulong Duterte. | @BomboRadyoNews
— Christian Yosores (@chrisyosores) November 21, 2019
Kung maaalala, sinabi ng presidente na wala siyang tiwala kay Robredo, sabay puna sa mga nakaraang pulong nito sa iba’t-ibang grupo na kritikal umano sa war on drugs.
Una ng umapela si Robredo kay Duterte hinggil sa naging pahayag nito matapos din akusahan ng pakikipagusap sa mga prosecutor ng United Nations.
Sa loob ng higit dalawang linggo sa pwesto bilang ICAD co-chairperson, sumalang sa meeting si Robredo kasama ang iba’t-ibang cluster ng komite, pati na ang community-based anti-drug organizations.
Sa susunod na linggo naman, nakatakdang kausapin ng bise presidente ang sektor ng simbahan hinggil din sa posibleng hakbang na maitutulong nito sa pagsugpo ng iligal na droga.