-- Advertisements --

Sa pagmamadali na matugunan ang pagkuwestyon ng Commission on Audit (COA) sa paggastos ng P23.8 milyong halaga ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP), sumobra umano ang kuwestyunable at kahina-hinalang resibo na isinumite upang bigyang katwiran ang ginawang paggastos.

Isinumite ng OVP ang 158 AR upang bigyang katwiran ang paggastos ng confidential fund.

Inamin ng kinatawan ng COA sa pagdinig na si Gloria Camora na mayroong “inadvertence and typographical mistakes” na nagawa ang mga tauhan ng OVP batay sa mga isinumite nitong patunay ng paggastos.

“One of the findings under the COA notice of suspension is that some ARs were dated December 2023, and some were even undated. They (OVP) said they inadvertently contained clerical or typographical errors indicating 2023 instead of 2022,” ani Camora.

Hindi naman nakontento si Gutierrez sa nakuhang sagot at ipinunto ang “red flag” ng COA sa mga AR na sinabi nitong “spurious and bogus.”

Tinukoy din ni Gutierrez ang isang AR na mayroong petsang Nobyembre 2022 gayong ang P125 milyong confidential fund ay lumabas noong Disyembre 2022. Ang naturang pondo ay ginastos sa loob ng 11 araw lamang noong Disyembre 2022.

Napuna rin ang pagkakapareho ng mga penmanship at kulay ng ballpen na ginamit na pansulat sa AR gayundin ang pagkakapareho ng ilan sa mga signatories gaya ng “AAS” at “JOV” na nakakuha ng kabuuang P280,000 at P920,000 bilang bayad sa biniling impormasyon ng OVP noong Disyembre 2022.

Si AAR ay nakatanggap ng P60,000 noong Disyembre 2022, P150,000 noong Pebrero 2023 at P70,000 sa ikatlong quarter ng kaparehong taon.

Si JOV naman ay nakatanggap ng P170,000 bilang “reward payment,” P250,000 para sa “supplies” at P500,000 para sa “medical and food aid.”

Sa 776 AR na isinumite, 302 ang hindi mabasa ang pangalan at lima ang naulit ang pangalang nagamit.

Tinanong din ni House Quad Comm senior Vice Chairman Romeo Acop ng ikalawang distrito ng Antipolo City si Camora, na siyang head ngintelligence and confidential funds audit office (ICFAO) ng COA, kung napansin nito ang pangalang Mary Grace Piattos sa isa sa AR.

Sinabi ni Acop na ang Mary Grace ay kapangalan ng isang restaurant at ang “Piattos” ay kapangalan naman ng isang brand ng potato chips.