Nakaliligaw umano ang pahayag ni Sec. Rex Gatchalian na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nag-accommodate sa lahat ng referral mula sa Office of the Vice President (OVP).
Bagama’t ang gayong mga statement ay maaaring mapakahulugan ng tuluy-tuloy nga ang koordinasyon sa pagitan ng OVP, pero hindi naman ganap na naipoproseso ang mga programa.
Ayon kay Director for Operations Norman Baloro, nagkaroon ng ilang pagkakataon kung kailan tinanggihan ang mga referral ng OVP.
Ang isang halimbawa nito ay ang kahilingan para sa tulong sa isang natukoy na grupo ng mga indibidwal na ang kabuhayan ay naapektuhan dahil sa African Swine Fever virus.
Tinanggihan aniya ang kahilingan dahil sinabi ng DSWD na hindi sila makakagawa ng “mass payout,” ngunit nagagawa naman nila ito sa ibang mga lugar, kasama ng ibang mga pulitiko.
Bukod dito, may malinaw na ebidensiya mula sa iba’t ibang OVP Satellite Offices na ang ilang kliyenteng ni-refer ng OVP ay pinabayaan ng iba’t-ibang Regional Offices ng DSWD.
Isa lamang dito ay mayroong 7,056 pending applications para sa Assistance for Individuals in Crisis Situations (AICS) at 2,597 pending applications para sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ang nai-refer ng OVP Panay and Negros Islands Satellite Office sa DSWD Field Office-VI na hanggang ngayon ay wala pa ring naiaabot na assistance.
Handa na rin ang listahan ng mga natukoy na benepisyaryo ng OVP Cebu, Bohol, at Siquijor Satellite Office, ngunit patuloy na bumabalik ang mga kliyente sa kanilang opisina dahil wala silang natanggap mula sa DSWD.
Wala aniyang malinaw na paliwanag na ibinigay ng DSWD sa mga nai-refer na kliyente ng OVP mula sa mga Satellite Office sa pagkaantala o kawalan ng aksyon sa mga kahilingan.
Ang pagpapaalis sa mga hindi naseserbisyuhan ay pagbalewala sa mga tunay na hamon na kinakaharap ng maraming Pilipino sa pag-access ng mga serbisyong panlipunan.
Nananawagan umano sila sa agarang aksyon ng DSWD upang matugunan ang mga kakulangang ito at matupad ang obligasyon ng gobyerno na magbigay ng tulong sa bawat Pilipino.