-- Advertisements --
image 662

Walang natanggap ang Office of the Vice President na audit observation memorandum (AOM) mula sa Commission on Audit.

Ito ang inihayag ni OVP spokesman Reynold Munsayac sa gitna ng mga katanungan tungkol sa pagbubunyag ng COA sa pagdinig ng Kamara sa pondo kung paano ito naglabas ng AOM tungkol sa paggastos ng 2022 confidential fund na inilipat ng Office of the President (OP) kay Vice President Sara Duterte noong Disyembre 2022.

Ayon sa mga dokumento mula sa website ng COA, ang audit observation memorandum ay isang written notification sa head ng ahensiya at concerned officers na nagpapaalam sa deficiencies na nakalagay sa audit of accounts, operations o transactions at nagmamandato ng komento o submission ng documentary at iba pang information requirements sa loob ng reasonable period.

Una rito, sa kasagsagan ng House budget hearing, sinabi ni Appropriations Committee Senior Vice Chairperson at Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo na base sa COA, nagsumite ng liquidation report ang OVP noong January 2023 at inisyuhan ng audit observation memo noong September 18.

Dgadag pa ni Quimbo na tiniyak ng COA na magsusumite ang Kongreso ng full report sa November 15 dahil nagpapatuloy pa sa ngayon ang audit.

Matatandaan si ACT Teachers Representative at House Deputy Minority leader France Castro ang unang bumatikos sa P125 milyong confidential funds ng OVP sa ilalim ni VP Sara Duterte. Sinabi ni Castro, na naging mahigpit na kritiko ni Duterte, na hindi basta-basta mabibigyan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si VP Duterte ng contingency funds para magamit bilang CIF dahil hindi ito kasama sa budget allocation ng 2022 General Appropriations Act (GAA)