-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Bukas na para sa mga anak o kapatid ng mga overseas workers ang scholarship program ng OWWA Region 12.

Layon ng programa na makapagbigay ng financial assistance sa mga kaanak ng overseas workers na nagnanais makapag-aral ng kolehiyo sa ilalim ng Overseas Workers Dependent Scholarship Program (ODSP).

Bukas ang programa para sa mga dependents ng OFWs na sumusweldo ng hindi lalagpas sa USD 600.00 o P30,000 kada buwan.

Target ng programa yaong mga kaanak din ng overseas workers na aktibong miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration, ayon pa kay City Government PESO Manager Herminia Infanta.

Ilan lamang sa criteria para mag-qualify sa ODSP ang isang dependent ayon pa rin sa Public Employment Services Office ng city government ay ang mga sumusunod: kapatid o anak ng isang active OWWA member; single at 21-anyos kung papasok pa lang sa kolehiyo at hindi lalagpas sa 30 taong gulang kung kasalukuyang naka-enroll sa college na kumukuha ng baccalaureate o associate course sa kolehiyo o unibersidad; walang failing grade sa huling pinasukang eskwelahan o semester, at dapat regular student kung naka-enroll na sa kolehiyo.

May programa din ang OWWA para naman sa mga anak o kapatid ng overseas workers na nagtataglay ng 85% general weighted average (GWA) sa lahat ng subjects sa ilalim ng Education for Development Scholarship Program (EDSP).

Magkakapareho lang ang criteria ng OSDP at EDSP.

Ang kaibahan lang ay P20,000 kada school year ang financial assistance na binibigay ng OWWA sa mga iskolar sa ilalim ng ODSP samantalang P60,000 naman para sa mga EDSP Scholars.

Sa mga interesadong maging scholar ng OWWA, agad makipag-ugnayan sa PESO na matatagpuan sa unang palapag ng gusali ng City Hall para sa kaukulang impormasyon.