GENERAL SANTOS CITY – Nakarating na sa Department of Labor and Employment (DOLE)-GenSan ang impormasyon kaugnay sa Pinay worker sa Dubai na namatay dahil sa Wuhan coronavirus sa pamamagitan ng Bombo Radyo GenSan.
Ito ang kauna-unahang Filipino na nasawi dahil sa nasabing sakit.
Mismo si Labor Sec. Silvestre Bello III ang nagkumpirma na isang 58-anyos na Pinay household service worker ang nasabing biktima at naninirahan dati sa General Santos City.
Sa panayam nitong himpilan, inihayag ni Fatima Bataga ng nasabing ahensiya na sa ganitong pangyayari ang Overseas Workers Welfare Administration(OWWA) ang mag-a-assist sa mga pangangailangan ng pamilya ng nasabing OFW.
Batay sa magiging protocol ng OWWA ay makikipag-ugnayan ito sa pamilya ng OFW at sa OWWA office doon sa Dubai.
Ayon kay Bataga, ang mga OWWA personnel ang siyang sasalubong sa bangkay ng hindi pinangalanang Pinay sakaling iuuwi ito ng bansa.
Ngunit magdedepende na umano sa pamilya kung iki-cremate ang kanilang mahal sa buhay bago iuwi dito sa Pilipinas.
Una rito mismong ang labor attache sa Dubai umano ang nag-relay kay Labor Sec. Bello ng impormasyon tungkol sa pagkasawi ng OFW ngayong araw lamang.
Ayon sa kalihim, nakumpirma na coronavirus ang ikinamatay nito noong Pebrero 2,2020.
Magbibigay naman daw ang gobyerno ng tulong sa kapatid at anak ng nasabing manggagawa para makapunta sa Dubai.