VIGAN CITY – Tiniyak ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) na kalmado ang sitwasyon ng mga Pilipino na nasa Iraq sa kabila ng usapin sa seguridad sa Middle East.
Kasunod ito ng umiinit na tensyon sa pagitan ng Amerika at Iran dahil sa pagkamatay ng isang high-ranking Iran military official sa air strike na isinagawa ng Amerika sa Iraq nitong nakaraan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan sinabi ni OWWA Administrator Atty. Hans Leo Cacdac, na wala pang Pinoy sa Iraq na tumatawag sa kanila at nagpapahiwatig na nais na ng mga ito na bumalik sa Pilipinas.
Habang may ilang nagtatanong na kung paano sila makakauwi sakaling kailanganin.
Aabot sa 6,000 na mga Pinoy ang nasa Iraq, partikular na sa hilagang bahagi ng nasabing bansa batay sa datos ng OWWA.
Kaugnay nito, tiniyak ni Cacdac na nakahanda ang ahensya sa posibleng mass repatriation kung sakali mang lumala at madamay pa sa tensyon ng Iran at Amerika ang ilan pang bansa sa Middle East.
Ayon kay Cacdac, aalamin ng ahensya ang lokasyon ng mga Pilipino sa Iraq at kung ano ang mga kailangang gawin upang mapagsama-sama ang mga ito at madala sa mga tutukuying escape points.