Siniguro ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac na tuloy pa rin ang operasyon ng ahensya sa kabila ng kakulangan nito sa budget hanggang buwan ng Mayo.
Hinihintay pa raw kasi ng OWWA ang request nito na karagdagang budget mula sa national government kaugnay ng operasyon ng ahensya sa kabila ng nararanasang health crisis.
Ayon kay Cacdac, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Budget and Management (DBM) tungkol dito.
Mayroon aniyang progress ang pag-uusap ng dalawang ahensya. Nais daw kasi ng DBM na alamin kung magkano ang costing, nagastos, gayundin ang estimate ng OWWA hanggang sa matapos ang taong 2021.
Ang mga nasabing bagay ay technical matters sa nagpapatuloy na pag-uusap.
Magugunita na pinangangasiwaan ng OWWA ang accomodation at transportasyon ng mga returning overseas FIlipino workers (OFWs) simula noong kumalat ang coronavirus disease sa iba;t ibang bansa.
Partikular silang humingi ng tulong sa mga hotels at iba pang accomodation establishments na pansamantalang gamitin ang kanilang pasilidad para sa mga OFWs na kinakailangang sumailalim sa quarantine. Saka naman kumukuha ang ahensya ng transportation services para tulungan ang mga ito na makauwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Noong Marso 10 nang isiwalat ni Cacdac na humihingi ang OWWA ng supplemental budget sa DBM na nagkakahalaga ng P9.8 billion. Ito ay dahil ang 2021 budget ng nasabingt ahensya na nasa P6.2 billion ay malapit ng maubos.
Aminado ang opisyal na sa oras na masimot na ang budget ng OWWA ay wala na itong pambayad sa transport at hotel accomodations ng mga OFWs, pero naniniwala ito na hindi dadating ang ahensya sa ganitong sitwasyon.
Sa ngayon aniya ay nababawasan na ang bilang ng mga OFWs na nananatili sa mga hotel quarantine facilites na nasa 6,000 kumpara sa 10,000 noong Marso.
Tinatayang aabot ng P3,000 ang gastos ng ahensya para sa isang OFW kada araw. Gumastos na raw ang OWWA ng P12 billion para accomodation at transportation ng mga OFW simula noong 2020.