-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pinaiimbestigahan na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang manning agency ng mga Pinoy seafarers na naka-quarantine sa mga hotel sa Metro Manila na nakatakda sanang umalis subalit isang buwan na ang nakakalipas ay hindi pa nakakaalis.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni OWWA Administrator Atty. Hans Leo Cacdac na kinakausap na nila ang manning agency ng 200 Pinoy Seafarers para alamin kung bakit hindi pa sila nakakaalis at kung paano sila nakarating sa Metro Manila.

Aniya, kung maari ay pabalikin na lamang muna sila sa kanilang mga probinsya dahil malaki na rin ang nagagastos ng pamahalaan sa kanilang pananatili sa mga hotel quarantine facilities.

Ayon kay Cacdac, nakausap na niya si 1PACMAN Rep. Eric Pineda tungkol dito at titignan nila ang sitwasyon ng mga naturang Pinoy sa kanilang kinalalagyan ngayon.

Oras na napatunayang nagpabaya ang agency ng mga naturang Pinoy ay sasampahan nila ng illegal recruitment.

Nakatakda sanang umalis sa bansa ang mga naturang Pinoy Seafarers subalit hindi sila natuloy.