-- Advertisements --

Nag alok ang Overseas Workers Welfare Administration ng libreng health and wellness check na nakalaan para sa ating mga Overseas Filipino Workers.

Ito ay kanilang isinagawa bilang pasasalamat at pagbibigay pugay sa OFWs na itinuturing na bagong bayani ng bansa at kasabay na rin ng selebrasyon sa Araw ng Kalayaan na ginunita kahapon.

Ayon sa ahensya inialok mismo sa OFW Lounge ng NAIA terminal 1 ang ‘independence gift’ para sa ating mga kababayang paalis pa lamang at tutungo sa ibang bansa upang doon na magtrabaho.

Samantala matagumpay namang nailunsad ng OWWA ang naturang aktibidad sa tulong ng kanilang mga partners.

Kasama naman sa handog na health and wellness ay ang iba’t ibang lab test at free online consultation upang masiguro ang kanilang mabuting kalusugan, matugunan ang iba pang mga tanong ng ating mga kababayan at gayundin sa kung paano makaiiwas sa pagkakasakit.

Sa ngayon ay patuloy pa rin daw ang suporta ng OWWA katuwang ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan para masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW.