Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Overseas Workers Welfare Administration sa mga pamilya ng ating kababayang Overseas Filipino Workers na naapektuhan sa nangyaring sunog sa Kuwait kamakailan.
Ayon kay OWWA Administrator Arnell Ignacio, hindi raw humihinto ang kanilang ahensya sa pagbibigay ng kinakailangang suporta sa naapektuhan ng trahedya, sa kanilang pamilya at lalong lalo na sa tatlong kababayan nating nasawi nang dahil sa insidente.
Habang kaagad naman daw umaksyon at pinuntahan ng mga kawani ng Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration-Kuwait ang mga OFW na biktima ng sunog alinsunod din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanila.
Samantala, pinaiigting din ng OWWA ang kanilang koordinasyon sa Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers upang masiguro ang mabilis na pagpapauwi sa labi ng mga nasawing biktima at para masiguro rin ang kaligtasan ng iba pa nating kababayan sa naturang bansa.