-- Advertisements --

VIGAN CITY – Hindi pa umano masiguro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kung ano ang tulong na maibibigay sa pamilya ng Pinay domestic helper na kabilang sa pitong pinatay ng pinaniniwalaang serial killer sa Cyprus.

Ito ay dahil inaalam pa ng OWWA kung active member ang biktimang si Maricar Valdez na tubong-Gabur Norte, Sta. Cruz, Ilocos Sur noong naipaulat na nawawala ito hanggang sa nakita ang pinaniniwalaang bangkay na isinilid sa maleta na itinapon sa lawa sa Mitsero, Cyprus.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni OWWA–Region 1 Family Welfare Officer Virna Agbayani na nakikipag-ugnayan pa sila sa Philippine Overseas Labor Office sa nasabing bansa hinggil sa nasabing balita dahil gusto nilang matiyak na ang bangkay na nakita sa nasabing lugar ay si Valdez nang sa gayon ay maibigay sa pamilya nito ang karampatang tulong na maaaring umabot sa higit P220,000.

Aniya, kung hindi naman umano active member ang biktima noong patayin ito ng pinaniniwalaang serial killer, makakatanggap lamang umano ang pamilya nito ng PHP 20,000.

Una nang sinabi ng pamilya ng biktima na higit isang taon na itong nawawala simula nang magpa-alam sa ina na pupunta sa bahay ng kaniyang kaibigan.