Tiniyak ng pamunuan ng Overseas Workers Welfare Administration na kanila pang pagbubutihin ang pagbibigay ng serbisyo sa Overseas Filipino Workers.
Ito ay matapos na magawaran ang kanilang ahensya ISO 9001:2015 Certification na isang ‘International Standard’ kung pag-uusapan ang sistema ng kalidad na pamamahala .
Ayon sa ahensya, nagsisilbi rin itong batayan ng ahensya at mga organisasyon na naglalayong masiguro ang pagbibigay ng mataas na kalidad ng serbisyo sa publiko.
Personal na tinanggap ni OWWA Administrator Arnaldo Ignacio ang ISO Certification mula sa Certification International Philippines, Inc. sa isinagawang awarding ceremony sa lungsod ng Parañaque.
Pinasalamatan naman ni Ignacio ang mga kawani ng OWWA dahil sa pagbibigay nito ng mataas na kalidad ng serbisyo sa mga manggagawang Pilipino o mga OFW.
Nangako rin ang opisyal na lalo pa nitong pag-ibayuhin ang pagbibigay ng magandang serbisyo sa mga Overseas Filipino Workers at sa kanilang pamilya.
Titiyakin rin nito na maibibigay ang magandang buhay sa mga OFWs na nagbabalat ng buto sa ibang bansa.