-- Advertisements --
OWWA Hans Leo Cacdac
OWWA admin Hans Leo Cacdac

VIGAN CITY – Nagpaalala ang Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) sa mga recruitment agency sa bansa na dapat na tutukan nila ang kalagayan ng mga ipinapadala nilang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa ibang bansa.

Ito ay pagkatapos ng nangyari kay Jeanelyn Villavende na pinatay ng kanyang among babae sa Kuwait kung saan tila hindi na-monitor ng kaniyang recruitment agency ang nangyayaring pagmamaltrato sa kaniya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay OWWA administrator Atty. Hans Leo Cacdac, sinabi nito na responsibilidad ng mga local recruitment agency na tutukan at i-monitor ang kalagayan ng mga OFWs na kanilang ipinapadala sa ibang bansa upang matiyak na maayos ang kanilang kalagayan.

Kasabay nito, nagbanta si Cacdac na kung mapapatunayang nagkulang ang recruitment agency ni Villavende dahil sa nangyari sa kaniya, maaari silang humarap sa kaukulang kaso o parusa.

Muli ring nagpaalala ang nasabing opisyal sa mga nag-a-apply papuntang abroad na tiyaking ligtas ang papasukang employer at pag-aralang mabuti ang kontrata ng kanilang trabaho bago ito pirmahan at bago makipagsapalaran sa ibang bansa.