-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Tiwala ang administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na sapat pa ang kanilang quarantine facilities para sa mga returning overseas Filipinos ( ROF) sa kabila ng pagpapatigil ng Philippine Red Cross (PRC) sa swabbing ng mga OFWs.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni OWWA administrator Atty. Hans Leo Cacdac na sa kabila ng maraming bilang ng mga OFW na umuuwi sa ngayon at naghihintay ng resulta ng kanilang swab test ay kaya pa naman ng kanilang mga quarantine facilities.

Kokontrolin naman aniya ang mga flights sa mga paliparan upang hindi dumami ang tao sa Metro Manila.

Bukod dito ay gumawa na rin ng hakbang ang OWWA upang makontrol ang pag-uwi ng mga OFWs habang marami pa ang naghihintay ng resulta ng kanilang swab test.

Sa ngayon ay tuloy pa rin ang swabbing sa airport sa pamamagitan ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ang naiba lamang ay ang pagpapadala ng specimen na nakukuha ng coast guard dahil ipinapadala pa sa 17 national at local government laboratories na dati ay ipinapadala sa PRC.

Dahil dito, kailangang lamang maghintay ng ilang araw ang mga OFW dahil aabot sa lima hanggang pitong araw ang proseso sa mga government laboratories.

Sa kabila nito ay tiniyak ng OWWA administrator na walang babayaran ang mga OFW sa swab testing, processing ng specimen, hotel quarantine facility habang naghihintay ng resulta at ng kanilang transportasyon kapag sila ay uuwi na.

Sa ngayon ay nasa 7,000 na OFWs ang nasa mga quarantine facilities sa Metro Manila na naghihintay ng resulta ng kanilang swab test habang nasa 8,000 na rin ang lumabas ang resulta mula noong October 17, 2020.

Ayon pa kay Cacdac, kaya pa ng kanilang pondo pero umaasa sila na maayos na ang isyu sa pagitan ng PRC at PhilHealth upang babalik na rin sa dati ang proseso.

Sinabi na rin ng PhilHealth na magbabayad an sila sa Lunes.