-- Advertisements --

Opisyal nang nilista ng sikat na dictionary sa mundo na Oxford English Dictionary (OED) ang ilang mga salitang Filipino sa kanilang March 2025 update, kung kabilang sa 11 mga inilista ay ang gigil, kababayan, at salakot.

Ang gigil ay tinukoy ng OED bilang isang malakas na damdamin ng pagmamahal o pagka-akit kapag nakakita ng mga cute na bagay, hayop o tao, tulad ng isang sanggol, tuta at kuting na pusa.

Ayon sa OED, ang ”gigil” ay isang emosyon na kadalasan ay positibo at ginagamit na sa Philippine English mula pa noong 1990.

Kasama rin sa listahan ang ”salakot”, isang tradisyonal na sumbrero na may malapad na brim, at isang mahalagang simbolo ng kulturang Filipino, na madalas isinusuot sa mga piyesta at selebrasyon.

Ang ”kababayan” naman ay may dalawang kahulugan, bilang isang uri ng tinapay na katulad ng muffin, at isang tawag sa kapwa Filipino o sa mga taong mula sa parehong rehiyon o bayan.

Ilan pang salitang Filipino na isinama sa update ng OED ay ang mga salitang ”lumpia”, ”videoke”, ”sando”, ”oad”, ”CR”, at ”terror”, na nagpapakita ng pang-araw-araw na buhay at kultura ng mga Filipino.

Isinama rin ang salitang ”Thomasite”, na tumutukoy sa mga Amerikanong guro na ipinadala sa Pilipinas noong panahon ng kolonyalismo, na tumulong sa pagtatatag ng mga pampublikong unibersidad at edukasyon sa bansa.